Silang Mga Bayaning Guro

BY Rep. Teofisto “TG” Guingona III
2nd District of Bukidnon
Privilege Speech, 29 September 2008
House of Representatives

Alas-kuwatro pa lang ng umaga gising na si Gng. Lolita Gonzales. Maaga dahil ipaghahanda pa niya ng almusal ang kaniyang mga anak na magsisipagpasok sa eskuwela. Mula nang mabiyuda siya, mag-isa na lang niyang itinataguyod ang kaniyang limang anak.

Pagsapit ng alas sais, nasa R.P. Cruz Elementary School (sa Taguig) na si Gng. Gonzales. Tatlumpung taon nang nagtuturo si ma’am. Ngayong anim na pung taong gulang na siya, inaasam na sana niya ang pagreretiro.

Hapon. Tapos na ang klase, uwian na. Ngunit hindi pa oras upang magpahinga si ma’am. Ihahanda pa niya ang ititinda niyang balut at penoy kinagabihan.

Sabado at Linggo, walang pasok sa eskuwelahan pero may pinagkakaabalahan si ma’am. Nagtitinda siya ng mga kakanin.

Lunes hanggang Biyernes, lesson plan, test papers, chalk at pisara ang pinagkakaabalahan ni ma’am sa umaga’t hapon. Balut at penoy naman sa gabi. Sabado, Linggo, mga kakanin naman.

Gustuhin mang magpahinga ni ma’am sa mga panahong hindi siya nagtuturo at wala na sa eskuwelahan ay hindi niya magawa. Paano kasi, kailangang may sideline siya dahil hindi sapat ang kaniyang suweldo para sa pangangailangan ng kaniyang mag-anak. Lahat na ng puwedeng utangan, nautangan na niya – GSIS, Pag-ibig, Teachers’ Coop. Pati ATM nga niya nakasanla sa inutangan niyang nagpapa-5/6. Barya na lang ang natatanggap niya mula sa kaniyang suweldo dahil nauubos na sa dami ng kinakaltas.

Hindi na bago ang ganitong kuwento ni ma’am. Kung tatanungin natin ang ating mga kasamang guro na pumuno sa ating bulwagan ngayong hapon, sila na mismo ang magkukuwento ng kani-kanilang mga karanasan. Iisa ang tema ng kanilang mga kuwento. Hindi sapat ang suweldo nila bilang mga guro kaya kailangang dumiskarte at magkaroon ng sideline.

Ang ganitong kalagayan ng ating mga guro ang nagbunsod sa akin at sa aking mga kasamang sina Congresswoman Cynthia Villar at Congresswoman Laarni Cayetano na ihain ang Panukalang Batas 4380 o House Bill 4380 – Additional Support and Compensation for Teachers in Basic Education. Nilalayon nitong mabigyan ng karagdagang sahod ang mga guro na aabot sa sampung libo na baha-bahaging ibibigay sa loob ng limang taon. Dalawang libo bawat buwan sa unang taon. Sa ikalawang taon, karagdagang dalawang libo, hanggang sa ikalimang taon kung kailan mabubuo na ang sampung libo. Layunin din ng panukalang batas na mabigyan ng allowances at iba pang benepisyo mula sa local school board funds ang ating mga guro. Gayundin ang pagkakaloob sa kanila ng P1,000 medical allowance. Pati productivity bonus, gaya ng nakasaad sa kanilang Magna Carta.

Ang dagdag na sahod at benepisyo para sa ating mga guro ay matagal nang dapat naipagkaloob sa kanila. Hindi biro ang hirap na dinaranas ng ating mga guro dahil sa liit ng kanilang suweldo. Patuloy na tumataas ang mga bilihin at patuloy na tumataas ang cost of living ngunit ang kanilang suweldo ay hindi naman tumataas. Nagkakahalaga lamang ng P12,026 ang basic pay ng Teacher 1 samantalang ayon sa NEDA, mahigit P21,000 ang monthly cost of living ng isang pamilya sa Metro Manila. Tahasang paglabag ito sa diwa ng kanilang Magna Carta at maging sa diwa ng ating Saligang Batas na nagsasaad na dapat mabigyan ng “adequate remuneration” ang lahat ng mga guro.

Taon-taon, dumarami ang student population kaya ang dapat sanang teacher-student ratio na 1:30 ay hindi na nasusunod. Sa mga lugar nga kung saan mataas ang populasyon, umaabot hanggang 1:70 ang ratio. Kinakailangang magkaroon pa ng multiple shifts ang mga guro.

Overworked, underpaid. Ganyan natin mailalarawan ang ating mga guro. Batid na nating lahat kung anong hirap ang pinapasan ng ating mga pampublikong guro.

Totoo ngang mayroon nang mga simulain sa kapulungang ito na amyendahan ang Magna Carta para sa mga pampublikong mga guro. Ngunit mukhang matatagalan pa bago ito maisakatuparan sapagkat masalimuot ang pag-aamyenda dito; maraming salik ang kailangang himayin at pag-aralan. Samantalang kagyat ang pangangailangan ng ating mga guro sa karagdagang sahod.

Mayroon ding panukalang batas hinggil sa Salary Standardization. Ngunit dahil komprehensibo ang sakop nito, maaaring matagalan ang pagpasa nito dito sa Mababang Kapulungan at maging sa Senado.

Matagal nang overworked at underpaid ang ating mga guro at patuloy ang pagtaas ng cost of living. Samakatuwid, makatuwiran lamang na ipagkaloob na sa kanila sa lalong madaling panahon ang dagdag na sahod.

Ang Magna Carta para sa Public School Teachers ay naisabatas mahigit apat na dekada na ang nakararaan. Layunin ng batas na maitaguyod at mapaunlad ang kalagayang ekonomiko, living and working conditions, kabuhayan at career prospects ng mga pampublikong guro. Ngunit hindi ito lubos na naipatutupad.

Ang pagpapatupad sa Magna Carta ay apektado ng patuloy na pagbaba ng appropriation para sa edukasyon sa taunang badyet. Dahil dito, hindi naipapatupad nang maayos ang Magna Carta. Hindi naibibigay sa ating mga guro ang benepisyong dapat sana ay natatanggap na nila, sang-ayon sa itinakda ng Magna Carta.

Kaya nga isinusulong ng Alternative Budget Initiatives, na maigting kong itinataguyod, na magkaroon ng karagdagang badyet na P17.5 bilyon sa badyet ng basic education. Walong bilyong piso (P8 B) dito ay para sa partial payment ng accumulated benefits para sa mga guro batay sa mga kaugnay na probisyon ng Magna Carta. Kung susumahin, P40 Bilyon ang kuwenta ng DepEd mismo sa unpaid benefits ng mga guro. Iminumungkahi ng ABI na bayaran ito sa loob ng limang taon, P8 bilyon bawat taon.

Isinusulong din ng ABI ang P500 milyon na karagdagang badyet para sa teacher training at scholarship. Mahalagang patuloy na mapaunlad ang kakayahan sa pagtuturo o teaching compentencies ng ating mga guro.

Naisabatas noong 1989 ang SSL o Salary Standardization Law (RA 6758). Ito sana ang batas na magbibigay ng makatarungang benepisyo sa mga kawani at guro. Subalit kabaligtaran ang nangyari. Ang batas na ito ang nagdulot ng malawak na demoralisasyon sa hanay ng mga manggagawa sa sektor ng edukasyon. Dahil dito, lumagpak ang sahod ng mga guro kompara sa ibang empleyado ng pamahalaan. Napako sa Salary Grade 10 ang benchmark position ng mga pampublikong guro.

Isipin na lamang nating napakalaki ng agwat ng sahod ng mga guro sa suweldo ng mga freshmen sa PMA o mga trainees ng PNPA. Ang Salary Grade 10 ay ang suweldo ng isang private sa military at PO1 na pulis. Kung ang batayan ay ang academic qualifications, ang katapat ng Teacher 1 sa military ay Second Lieutenant na may sahod na Salary Grade 16, dagdag pa ang iba pang allowances.

Kung tutuusin, mas mataas pa nga ang suweldo ng mga guwardiya sa ilang GFI’s at GOCC’s gaya ng GSIS at Bangko Sentral kung ihahambing sa sahod ng ating mga guro. Nang dahil sa SSL, nahuhuli ang kabuhayan ng mga guro kompara sa mga pulis at militar na pare-pareho lang namang empleyado ng ating pamahalaan.

Hindi tuloy maiwasang isipin na para bang mas kinakatigan ng gobyerno ang mga pulis at sundalo. Maaaring sa kadahilanang sila ang nakikipagdigma sa mga kaaway ng estado. Ngunit ano ba ang dinidigma ng ating mga guro sa araw-araw? Nakikipagdigma ang ating mga magigiting na guro sa mas matindi at mapamuksang kalaban — ang kamangmangan.

At kung sasabihing salapi, ginto, at pilak ang binabantayan at pinangangalagaan ng mga security guards sa Bangko Sentral, mas mahalagang yaman naman ang pinangangalagaan ng ating mga guro. Hindi lamang sila nagbabantay, kundi sila mismo ang pumapanday ng gintong bukas ng buong sambayanan.

Sa kasalukuyan, ang salary grade 10 ay katumbas lamang ng halagang P12,026. Ganito kaliit ang kitang pilit pinagkakasya sa lahat ng pangangailangan ng isang pamilya ng titser. Ganito kaliit ang sahod na babawasan pa ng napakaraming kaltas – buwis, Philhealth, Pag-ibig, GSIS, mga hulog sa private lending institutions, private insurances. Ganito kaliit ang sahod ng mga pampublikong guro na mula taong 2001 ay napako sa halagang P9,939. Sa bisa ng dalawang Executive Orders, nagkaroon ng tig-sasampung porsiyentong umento ang mga empleyado ng gobyerno, kabilang na ang mga guro, noong nakaraang taon at nito lamang Hulyo. Ngunit ang halagang ito, ayon sa ating mga guro ay napunta lamang sa withholding tax at premium contributions sa GSIS.

Kaya nga napipilitan ang mga guro na sumideline, para lang matugunan nila ang pangangailangan ng kanilang pamilya. Nakalulungkot isipin na dahil dito, naitataya ng ating mga guro ang dalawang bagay na napakahalaga sa kanila – ang kalidad ng edukasyon at ang kanilang dangal, ang kanilang dignidad. Masakit sa mga guro na gawin ang mga bagay na ito, subalit, wala silang magawa. Kadalasan, wala nang ibang mapagpipilian ang mga titser dahil kailangan nilang itaguyod ang kanilang pamilya. Matagal nang nagtitiis ang ating mga guro, patatagalin pa ba natin lalo ang kanilang paghihirap?

Ang isa pa palang pasanin ng mga guro ay ang mandated poll duties. Ang mga guro ang dumaranas ng lubhang pasakit at hirap masiguro lamang na malinis, maayos at mapayapa ang ating mga halalan. Sila ang masinop na bumibilang ng ating mga boto. Sila ang nagbubuwis ng buhay upang matiyak na ang demokratikong kapasiyahan ng mga mamamayan ay masunod. Hindi alintana ang puyat, pagod at panganib. Nais ko lamang ipagbigay-alam sa mga kasama nating guro ngayon na saklaw sa tinatalakay na amendments sa Magna Carta ang pagtanggal sa inyong mandatory election duties.

Kahit saang panig ng gallery tayo tumingin ay makikita natin ngayon ang napakaraming guro mula sa buong Metro Manila at mga kinatawan mula sa mga lalawigan. Mas marami pa ang nasa labas. Ngunit higit pa sa mga narito ngayon sa kongreso ang bilang ng mga gurong nais sanang tumungo ngayon dito. Baon ng mga gurong ito ang libo-libong lagda ng mga guro mula Hilagang Luzon hanggang sa Katimugan ng Mindanao. Ganyan kadeterminadong ipaglaban at ipagtagumpay ng mga guro natin ang kanilang kahilingan sa ating Kongreso, sa ating gobyerno.
Ang kinatawang ito, Mr. Speaker, ay buong-pusong nagpupugay sa mga pampublikong guro ng ating bansa; karapat-dapat kayong itanghal na mga bayani. Buong pagpapakumbaba akong nagpapasalamat at tumatanaw ng malaking utang na loob sa mga bayaning hindi gaanong napapansin. At buong-tapat na nangangakong ipaglalaban at itataguyod ang kanilang karapatan, kabuhayan, at dignidad.

Muli kong hinahamon ang bawat kasapi ng kapulungang ito, huwag sana nating biguin ang mga guro, ang ating mga bayaning guro. Ipasa natin ang House Bill 4380.

Maraming salamat
Mabuhay ang mga gurong Pilipino.

3 Comments

  1. liling magtolis briones said,

    October 22, 2008 at 2:01 pm

    Dear TG,

    It is good to read your contributions to the Young Turks blog.

    Sori, di ko kaya ang tuwid na Tagalog. Salamat naman na itinaguyod mo ang interes ng mga guro. Galing ako sa pamilya ng mga guro. Ang mga magulang ko, tiyo at tiyahin ko, kapatid at pinsan ko ay mga guro. Pati ako guro!

    Salamat naman na nabanggit mo ang ginagawa ng Alternative Budget Initiative/Social Watch Philippines para sa mga guro. Hari nawa matupad itong mga panukala ng ABI para sa mga guro. Panahon na, Kailangang bayarin ang mga utang na benefits na matagal nang pinangako sa Magna Carta for Teachers.

    Hinaut unta nga ang tanan natong pakigbisog dili makawang!

    Mabuhi ka!

    Mam Liling

  2. Roe Riofrio said,

    January 20, 2009 at 11:37 pm

    Labis akong nalungkot, naawa at pinanghinaan ng loob ng aking mabasa ang talumpating ito. Ang mga guro, kasama ako ay labis na naghihirap magampanan lamang ang aming tungkulin na makapagbigay ang karunungan sa ating mga kabataan.

    Sana po ay matupad at labis na pagisipan ito ng mga kinauukulan. Mahalaga ang edukasyon. Alam nating lahat iyan kaya tayo ngayon ay nariito sa ating kinatatayuan.

    Maraming salamat sa lahat ng tao na nagmamahal sa kanilang mga GURO!

  3. Jean A. Tropel said,

    January 24, 2009 at 7:55 am

    Sana ngay mabigyan ng katuparan ang pangakong pagtataas ng saho. Sapagkat isa ako sa mga gurong labis na naghihigap upang magampanan ang pagiging isang mabuting guro, isang mabuting ina at asawa.

    Katulad nga po ng sinabi sa taas maraming salamat sa mgat taong patuloy naniniwala at nagmamahal sa amin bilang kanilang GURO.


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: